Labintatlong Araw ng Pagkakabilanggo

*labintatlong araw sa ikalabintatlong linggo ng taong 2020

Labintatlong araw na akong nakakulong, hindi lang sa bahay kundi pati sa sarili ko. Hanggang ngayon hindi ko pa rin nahuhukay ang sarili ko. Lagi ko pa rin itong nilulunod sa telepono, at sa walang hanggang medya na nakapaloob dito. Ginagamit ko pa rin ito bilang isang mekanismo para layuan ang mga problema ko at mga damdaming binabaon. Hindi hinihimay, hinahayaang magkabuhol-buhol.

Mt. Sayang
ay hindi totong bundok
Mayo, 2019

Ang dami ko ng sinayang na mga oras, kung susumahin isang bundok na ito at tatawagin kong Mt. Sayang. Biro lang (eto libreng kornik). Ngunit wala na akong magagawa tungkol sa nakaraan. Hindi ko na mababalik ang nasayang, at lalo lang masasayang ang panahon ko kung ipagluluksa ko ito. Wala na, ‘yan na ang aking huling paalam. Ngayong linggo, marami akong pinagsayangan ng oras. Katulad ng dati, inaaliw ko na lang ang sarili sa panonood ng iba’t ibang pelikula at pagiging ligaw sa sosyal media. Kamakailan, naadik ako sa Twitter at maliban sa pagsayang ko ng oras ay may natutunan naman ako. Unti-unti akong namumulat sa kabulagan o pagbubulag-bulagan ko sa politika. Lalo na sa kasalukuyang administrasyon ni Duterte, ang kawalan nito ng pagpapakatao at pawang pagkamilitar nito. Tuluyan na nga itong nagiging isang rehimen, inuulit ang nakaraan. Hindi na yata tayo makakatakas sa gulong ng mga kurap at mga diktador.

One Mapua
” Kapag namulat ka sa katotohanan, kasalanan na ang pumikit. “

Pero sa lahat ng ito, may mga lider pa rin na nagbibigay ng pagasa. Mga pinunong pampubliko at hindi para sa elitistang namimili ng pamumunuan, kagaya ni Duterte na namumuno lamang para sa militar at ibang lahi (Tsina). Ang mga liwanag sa dilim ay mga piling NCR mayor katulad ni Vico Sotto ng Pasig, Marikina at Cainta. Mga batang lider para sa tao, at makatao. Hindi na ako makapaghintay na mamuno ang mga susunod na henerasyong mulat at hindi madaling mabulag. Malapit na, ‘wag nating sayangin ang kalayaan nating bumoto.

Parasite
2019
dir. Bong Jon Ho

the rain was such a blessing

Hindi lamang sa politika ako namulat kundi pati sa pribilehiyo. Dahil sa virus na ‘to, nilalabas n’ya ang baho ng bawat sistema ng gobyerno at lipunan. Nililiwanagan nito ang pagkakaiba ng mayaman at mahihirap. Ang pagkawala ng hawak sa realidad ng mga mayayaman o mga burgis. Parang nakatira sila sa ibang mundo, habang ang mga nasa laylayan ng lipunan ay nahihirapang mabuhay. Nagagalit ang mga mayayaman sa patuloy na paglabas ng mga tao at paglabag umano sa batas. Ang payo nila manatili na lamang sa mga bahay at manood ng Netflix. Hindi nila alam na hindi lahat ng tao walang may dalawang bagay na ‘yun. Bahay at Netflix, o kahit pagpipilian na manood na lamang. Ang iba nakatira sa kalsada, gamit ang karton bilang kama. ‘Yung may mga bahay naman nabubuhay na isang kahid, isang tuka. Kung walang trabaho, walang makakain, mauunang mapapatay ng gutom kaysa ng virus. Matuto tayong tingnan kung ano ang pribileyo natin bago tayo magsalita at manghusga ng kapwa. Baka mamaya…

Walang kasiguraduhan ang katapusan ng virus na ‘to. Para tayong pumasok sa isang lagusang hindi makita ang liwanag. Sobrang nakakatawa lang na hinirang natin ang 2020 bilang “taon natin” dahil magkakaroon tayo ng 20/20 vision ‘di umano. Binungad naman tayo ng sunod sunod na trahedya. Pagputok ng bulkang Taal, paglipana ng mga virus tulad ng isang kaso ng Polio, Swine Fever sa mga baboy na naapektuhan ang mga nagaalaga bilang kabuhayan. Syempre ang delubyong kinakaharap natin ngayon, ang pandemyang COVID-19. Sana sa tulong ng panahon, at pagkakaisa ng mga doktor, nars, pulis, at mga manggagawa ay malagpasan natin ang trahedyang ito. Matagal man o sakupin ang buong taong ito, ang mahalaga may natutunan tayo at ligtas. Kaya’t sundin natin ang mga payo nila. Maghugas ng kamay, manatili sa bahay ng 14 araw kung may nararamdamang sintomas tulad ng tuyong ubo, lagnat, pananakit ng kalamnan at iba pa. Hindi lang ito para sa sarili natin o sa mga mahal natin sa buhay kundi para sa lahat, lalo na ang mga nakakatandang target ng virus. Nabubuhay tayo sa gitna ng historya, ito lang ay kahanga hanga na. ‘Wag tayong magpadala sa takot dahil sa kawalan ng alam. Malalagpasan natin ‘to anuman.


Pagdating naman sa sarili ko, ngayon ko lang napagtatanto at nakokonekta ang lahat. Sa limang taon kong anibersaryo sa internet, na pinaalala sa’kin ni Facebook noong Marso 01 ay napagtanto ko na nasayang ang kabuuan ng pagkadalaga, o teen years ko sa social media. Sa patuloy kong pagbabad ng sarili sa iba ibang klaseng medya, ay naapektuhan nito ang aking isip. Nakakaadik ang teknolohiya, maniwala ka. Parang may kaunti akong pagsisi sa pagsali ko dito sa murang edad na trese. Naadik ako at tuluyang naaadik hanggang ngayon. Nais ko ng kumawala, pero napagtanto ko rin na siguro magiging parte na ‘to ng buhay ko. Sa social media ako nakakakuha ng inspirasyon sa mga manlilikha, mapa-lokal man o internasiyonal. Dahil din dito ay natagpuan ko ang pagmamahal ko sa sining, potograpiya, at mga pelikula. Naaalala ko na ‘yung drafts ko sa isang blog ay noong 2015 pa. Hindi ko natapos, dahil sa katamaran. Matagal ko nang gustong sumulat, at gumuhit pero hindi ko ginagawa. Puro ako salita, at pangako na pinapako sa kahihiyan ko. Mahabang panahon ko nang ninanais na lumikha ng sining, at ang pagsulat nito ay isang hakbang para magawa ko ang pangako ko. Marami pa akong gustong gawin, dahil ang sining ay koneksyon ko sa kaluluwa ko. Kaya kung gusto mong makinig sa sarili mo, lumikha ka o magsulat. Sa ngayon, matutulog na ako at pinapagalitan na ko ng nanay ko sa kakababad ko sa telepono hanngang alas tres ng madaling araw. Sabi n’ya nagre-repair daw ‘ung cells from 10pm-4am. Hindi ko binbigyan ng panahon at pagkakataon ang sarili ko na mabuo, o gumaling.

Ngayon pa lang…ngayon na.

Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started